4 katao tiklo sa shabu

LUCENA CITY — Apat katao na pawang pinaghihinalaang drug pushers at users ang dinakip ng mga awtoridad sa isinagawang biglaang pagsalakay sa bahay ng mga ito sa Heidelberg St., University Site, Brgy. Ibabang Dupay, sa lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga dinakip na sina Jerico Soler, 30; Manuel Santos, 43, kapwa ng Ibabang Dupay; Euden Liberato, 33, tricycle driver ng Pagbilao, Quezon at Mario Ebora, 25, ng San Juan, Batangas.

Base sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon nang isagawa ng mga operatiba ng Lucena Intel/SOG na pinamumunuan ni Insp. Antonio Maglinao ang raid sa bahay ni Soler na pinaniniwalaang pabrika ng shabu.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang sila’y palibutan ng mga awtoridad na armado ng isang search warrant na inisyu ni RTC Br. 59 Judge Virgilio Alfajora.

Si Soler ay minsan nang nadakip ng mga awtoridad subalit nakalaya sa pamamagitan ng piyansa. Ito rin ay kabilang umano sa grupo ni Athel Alcala, ang suspected big-time drug pusher sa lungsod at kapatid ng kasalukuyang board member ng Quezon Province. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments