Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na biglang pumasok ang hindi mabatid na bilang ng mga armadong kalalakihan sa isang grocery store na pag-aari ni Jose Pimentel at nagdeklara kaagad ng holdap.
Subalit napilitang magbunot ng baril ang isa sa security guard na si Edwin Matarabon at isang civilian volunteer na si Pasco Samonte na nakipagpalitan ng putok sa mga holdaper.
Nabatid pa na naka-off duty noon ang isang pulis na si PO3 Cesar Condes ng ito ay magresponde at nakipagpalitan din ng putok sa mga armadong kalalakihan na nagresulta upang makasugat ng dalawang holdaper.
Habang nakikipagbarilin ang ilang kasamahan ng mga holdaper ay nakuhang matangay ng ibang kasama ang hindi mabatid na malaking halaga na kinita ng grocery store bago tumakas sakay ng dalawang sasakyan.
Pito sa siyam katao ang tinamaan ng ligaw na bala kabilang na ang may-ari na si Jose Pimentel at anak nitong si Ryan; mga customers na sina Vivian Bayug, Alvin Abuyo, Florentino Jimenez habang ang dalawa pang iba ay hindi nabatid ang mga pangalan.
Tinamaan din ng bala ng malalakas na kalibre ng baril sa katawan sina Matarabon at Samonte. (Ulat ni John Unson)