NPA nangholdap ng gasolinahan

SAN MATEO, Rizal – Tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang lumusob at nangholdap sa isang gasoline station kamakalawa ng hapon sa Barangay Balanti ng bayang ito.

Nabatid sa ulat ng Rizal PNP Provincial Office, dakong ala-1:45 ng hapon nang magsagawa ng pag-atake ang mga suspek sa Caltex gasoline station sa may Ampid 1 ng naturang lugar bago tumangay ng hindi pa mabatid na halaga.

Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ng isang motorsiklo ang mga suspek nang magsagawa ng paglusob sa naturang gasoline station.

Matapos tumakas ang mga suspek ay sumigaw pa ito ng katagang "Mabuhay ang kilusan, Mabuhay!.

Sinabi naman ni P/Supt. Ramon Rodriguez, hepe ng bayang ito na may posibilidad na ginagamit lamang ng mga suspek ang grupo ng rebeldeng NPA upang iligaw ang pagsisiyasat ng pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments