Mayon nagpaulan ng mga bato at lava

Nagpaulan kahapon ng tipak-tipak na bato at lava mula sa gilid ng Mayon volcano na may palatandaang muli na naman sasabog sa mga darating na linggo, ayon sa ulat ng Phil. Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Nabatid sa ulat ng mga opisyal ng Phivolcs, karamihan sa mga tipak-tipak na bato at lava ay mula sa Bonga Gully sa gilid ng timog-silangan ay gumuho dahil sa sunud-sunod na mahinang pagyanig na naitala ng mga scientist.

Napag-alaman pa sa ulat ng Phivolcs na patuloy pa rin ang pagdaloy ng nagbabagang lava sa timog-silangan ng Bonga Gully at ang nakalalasong sulfur dioxide (S2) gas ay nanatiling aabot sa 4,002 tons bawat araw.

Dahil sa bumuhos ang malakas na ulan noong Miyerkules ng gabi ay pina-monitor ni Phivolcs chief Raymundo Punongbayan sa isang team ang Padang river channel upang obserbahan ang pagdaloy ng lahar mula sa sumabog na bulkan.

Subalit binalaan ni Punongbayan ang mga residente na iwasan na magtungo sa malapit na ilog sa gilid ng Mayon volcano dahil sa posibleng maipon at dumaloy ang makapal na lahar sa naturang ilog.

Nanatili pa rin nakataas ang Alert level 5 at ang 8 kilometer permanent danger zone.

Umaabot na sa 42, 000 katao ang inilikas sa loob lamang ng anim na araw mula ng sumabog ang Mayon volcano.

Gayunpaman, inihayag kahapon ng mga opisyal ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) na patuloy pa rin ang klase ng mga mag-aaral sa mga paaralang ginawang mga evacuation center. (Ulat nina Felix Delos Santos,Ed Casulla at Danilo Garcia)

Show comments