8 naisalba sa lumubog na ferry

Walo katao na lulan ng isang ferry boat ang iniulat na naisalba ng pinagsanib na puwersa ng tropa ng militar at pulisya matapos na lumubog ang naturang bangka sa karagatan ng Zamboanga City kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang naisalba sa tiyak na pagkalunod ay nakilalang sina Ricardo Crisostomo, 37, captain ng ferry boat; Rogelio Salazar Sr., 42, chief engineer; Roger Salazar Jr., 18; Bryan Salazar, 15 Rose Nedija, 29; Bryan Juaton, 14, Syano de los Santos, 37 at Quanderama Tiboy.

Namataan ng tropa ng 1st Regional Defense Force Mobile Team ng Phil. Army at ng mga tauhan ng pulisya sa Zamboanga City ang mga biktima na palutang-lutang na lumalangoy sa naturang karagatan dakong alas-9:00 ng gabi.

Ilang minuto bago pa tuluyang lumubog ang ferry boat na may markang M/L Leah Mae Express ay mabilis na naitawag sa radyo ng mga tripulante ang pangyayari sa mga awtoridad kaya kaagad na nagresponde ang mga ito.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang kinauukulan ang sanhi ng paglubog ng ferry boat. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments