1,400 US troops lalahok sa war exercise

SUBIC bay,Freeport– May 1,424 bilang na sundalo mula sa US Marines at Navy ang dumating kahapon sa Subic Bay upang lumahok sa isinasagawang joint military exercises sa pagitan ng Philippine Armed Forces na magtatagal ng 11 araw na military exercises.

Subalit ang presensiya ng tropa ng US Armed Forces sa bansa ay mabilis na itinanggi ng pamunuan ng Presidential Commission on Visiting Forces Agreement (VFACOM) na walang kinalaman ang mga ito sa kasalukuyang operasyon ng pamahalaan laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na dumukot sa 20 katao kabilang dito ang tatlong American nationals sa Dos Palmas beach resort sa Palawan noong nakalipas na linggo.

Kapwa inaprubahan noong nakaraang taon ng Mutual Defense Board of the Philippines at ng US ang isasagawang war exercises sa bansa na binansagang Cooperation Afloat Readiness Training (CARAT-01) at ang Pandagat, Panlupa at Panghimpapawid (PALAH-01).

Ayon kay Cato, ang CARAT-01 at PALAH-01 ay ang ikaapat at ikalima sa 18-joint military exercises na naka-schedule sa taong ito.

May 1,400 US troops at 1,175 naman buhat sa Philippine military ang lalahok sa "Live firing" war exercises ng CARAT-01 na magsisimula ngayon (Hunyo 1) sa bayan ng San Antonio, Zambales at Ternate, Cavite na magtatagal hanggang Hunyo 11.

Bukod dito ay nauna nang dumating sa bansa buhat sa kanilang base sa Okinawa, Japan ang may 139 US Marines na lulan naman ng 12 US planes, apat na F-18 Hornet fighter planes, apat na KC-130 Hercules at apat na CH53 Super Stallion. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments