Nanalo sa sayawan, binata ginulpi muna bago pinatay

BALANGA, Camarines Sur - Isang 19-anyos na binata ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilang lalaki habang ang biktima ay kinokoronahan bilang nanalo sa sawayan, kamakalawa ng gabi sa Sitio Maybayawas, Brgy. Pineda ng nasabing lugar.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Fermin Hilario Jr., ng Sitio Buri, Brgy. Camuning.

Samantala, ang suspek na hindi kilalang lalaki ay mabilis na tumakas matapos pagbabarilin ang biktima habang ginugulpi naman ng isang nakilalang Jose Bermejo, Jr.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pangyayari dakong alas-10 ng gabi habang ang biktima kasama ang kaparehang babaeng si Luningning Delgado, 19, ay kumukuha ng kanilang premyo.

Sa hindi nabatid na kadahilanan ay mabilis na hinatak ni Bermejo ang biktima sa ibabaw ng stage sa loob ng sayawan bago gulpihin.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay lumapit ang di-kilalang lalaki at sunud-sunod na umalingawngaw ang putok ng baril. Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments