Paghihiganti motibo sa resort attack

Posible umanong paghihiganti ang motibo ng sumalakay na mahigit 20 armadong kalalakihan na ngayo’y pinagsususpetsahan namang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa naganap na pagpapaulan ng rocket propelled grenade at pamamaril sa Pearl Farm Beach Resort sa Samal Island, Davao del Norte, kamakailan.

Ito ang panibagong anggulong lumabas sa imbestigasyon ng mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) hinggil sa nasabing insidente na naganap noong Martes, dakong alas-11:00 ng gabi na dalawang katao ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinisilip ng mga awtoridad na ang pagsalakay ng mga suspek ay upang paghigantihan ang Congressman elect na si Tony Boy Florendo, may-ari ng nasabing resort.

Napag-alaman na bago naganap ang insidente ay nagalit umano kay Florendo ang naturang mga rebeldeng MILF dahil sa hindi nito pagbabayad ng buwis at paghingi ng permiso sa naturang kilusang Muslim para sa kanyang kandidatura at pangangampanya sa lugar.

Kaugnay nito, nabatid sa pinakahuling ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo na nakaligtas na mula sa kamay ng mga rebelde ang pito sa sampung sibilyang dinukot ng mga ito sa Sitio Maligan, Brgy. Kidapalong, Malita, Davao del Sur habang patakas sa mga humahabol na mga awtoridad.

Nakilala ang lima na kusang pinakawalan ng mga rebelde na sina Eugenio Marquez, Donna Marquez, Renato Marquez, Reynante Marquez at Libay Tayong.

Ang apat pa sa mga binihag ng mga suspek ay nakilala namang sina Hamid Muda, Eddie Labane, Popong Labane at Dondon Alimana.

Gayunpaman, nakasagupa na ng 25th at 75th Infantry Battalions ng Phil. Army ang may 30 armadong kalalakihan na pinaniniwalaang sumalakay sa nasabing beach resort.

Sa ulat ni Col. Danilo Servando, Armed Forces Southern Command spokesman, wala pang naiulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sagupaan sa Brgy. Ginalampong, Malita, Davao del Sur habang isinusulat ang balitang ito. (Mga ulat nina Joy Cantos at Roel Pareño)

Show comments