Buntis na misis binigti ng adik na mister

BACOOR, Cavite – Isang pitong buwang buntis na misis ang napagtripang bigtihin hanggang sa mapatay ng kanyang sariling mister na pinaniniwalaang lango sa ipinagbabawal na gamot sa Maria Salud Village, Brgy. Salinasa ng bayang ito kamakalawa ng gabi .

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Vanessa Jimenez, 22, ng Block II, Lot 5, Phase 2 ng nasabing lugar.

Samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng follow-up team ng Bacoor PNP ay nakilalang si Gilbert Lazaro, 22, ng naturang lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas 8 ng gabi sa kanilang bahay.

Sa impormasyon nakalap ng pulisya, lumalabas na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag asawa sa loob mismo ng kanilang kuwarto bago maganap ang krimen.

Matapos isagawa ang krimen, mabilis na lumabas mula sa kanilang kuwarto ang suspek kaya nagduda na ang kasambahay at mabilis na nilang tinungo ang kuwarto ng mag-asawa at bumulaga naman ang biktima na binigti ng suspek sa pamamagitan ng nylon cord. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments