4 katao todas sa ambush

PAOAY, Ilocos Norte — Apat katao kabilang na ang isang sundalo ang iniulat na nasawi habang anim katao pa ang malubhang nasugatan makaraang magsagupaan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Callaguip ng bayang ito.

Kinilala ni PNP Provincial Director Supt. Romeo Espiritu ang mga biktimang sina Sgt. Donato Pacio ng Phil. Army, Jun Concepcion, Anthony Agdoppa at isang hindi pa mabatid ang pangalan na lalaki.

Sa ulat na nakalap ni Supt. Espiritu, nakasalubong ng sasakyang Toyota Revo na may plakang WLR-554 ng mga biktima ang tatlong sasakyan ng mga suspek.

Bigla umanong pinaulanan na lamang ang mga biktima ng bala ng armalite na naging sanhi ng pagkamatay nina Concepcion at Agdoppa subalit namataan naman ng tropa ng militar ang pangyayari kaya ito sumaklolo.

Nagkaroon ng engkuwentro hanggang sa masawi si Sgt. Pacio. Narekober naman ang isang ginamit na sasasakyan ng mga suspek na pag-aari ni PNP Col. Dumlao. (Ulat ni Myds Supnad)

Show comments