Nakilala ang nakaligtas na kandidato na si Peter Mahinay, samantalang ang sugatan na misis at supporter nito ay kinilalang sina Yolanda Mahinay at Francisco Pardo, pawang isinugod sa Claveria District Hospital.
Kinilala naman ang suspek na si Brgy. Captain Ruben Asoque ng naturang lugar at 7 pang mga di-nakilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang ginawang pamamaril.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-10:45 ng umaga habang ang mag-asawa at supporter nito ay nakasakay sa isang bangkang de motor na may pangalang "Triple Juliet".
Dahil sa bilis ng pangyayari, ang kandidatong si Mahinay ay kaagad na tumalon sa tubig upang iwasan ang mga bala na nagmumula sa M-16 rifle na gamit ng mga suspek kasama ang kapitan ng barangay.
Nabatid na ang biktimang kandidato at asawa nito ay nangangampanya sa naturang lugar dahil huling araw ng pangangampanya ng mga kandidato.
Napag-alaman na ang suspek ay kalaban sa partido ng mga biktima na pinaniniwalaang inarmasan ng mga pulitiko para takutin ang mga residente sa kanyang lugar.
Matapos ang ginawang pamamaril ng mga suspek na halos tumagal ng sampung minuto, ang mga ito ay mabilis na tumakas papalayo subalit nakasagupa naman nito ang mga miyembro ng 5th Police Regional Mobile Group (PRMG) na nagpapatrulya sa naturang lugar.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad laban sa mga suspek. (Ulat ni Ed Casulla)