Mayoralty bet sa Lanao,dinukot

Dinukot ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan ang isang mayoralty bet habang nangangampanya sa isang liblib na lugar sa bayan ng Taraka, Lanao del Sur, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang kinidnap na biktima na si Taraka mayoralty candidate Abdul Cader Macadadaya.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naganap ang pangyayari sa pagitan ng alas-6 at alas-7 ng umaga habang nangangampanya si Macadadaya sa kanyang mga supporters na karamihan ay mga magsasaka sa nasabing lugar.

Bigla na lamang umanong sumulpot ang mga armadong kalalakihan at walang sabi-sabing sinunggaban ang biktima na ng mga sandaling iyon ay walang kasamang security escorts maliban sa ilan nitong masugid na campaigners sa kinaaanibang partido pulitikal.

Tinutukan umano ng baril ng mga suspek si Macadadaya at kinaladkad patungo sa direksyon ng kagubatan ng Masiao.

Sa kasalukuyan, dalawang anggulo ang masusing sinisilip ng mga awtoridad, una ay ang posibilidad na mula sa grupo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kumidnap sa biktima.

Ikalawa ay ang mga goons ng mahigpit nitong katunggali sa pulitika na dehado sa malakas na ipinakikitang suporta ng mga botante ng bayan ng Taraka para sa kandidatura ni Macadadaya. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments