Sa report na nakarating sa Camp Aguinaldo, ang nasamsam na mga ballot boxes at election paraphernalias ay walang kaukulang dokumento na nagpapatunay ng legalidad nito mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Napag-alaman na dakong alas-4 ng hapon ng maharang ng mga elemento ng Phil. Marines ang isang Ford Fierra na walang plaka na naglalaman ng naturang mga kagamitan habang patungo sa bayan ng Buldon sa bisinidad ng Barangay Nituan, Parang ng nasabing lalawigan.
Wala namang maisagot ang dalawang sibilyang kinilalang sina Nasser Balibig at Eddie Baylan na siyang nahulihan ng nasamsam na ballot boxes at election paraphernalias na nagsabing napag-utusan lamang sila na ibiyahe ang mga ito sa Provincial Capitol ng Sultan Kudarat at Buldon, Maguindanao.
Naghihinala ang mga awtoridad na posibleng gagamitin sa pandaraya ng ilang mga tiwaling lokal na opisyal ang nakumpiskang mga ballot boxes at mga election paraphernalias bagaman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ulat ni Joy Cantos)