Ayon pa sa ulat marami rin ang iniulat na nalagas sa panig ng mga bandido makaraang masagupa ang mga militiamen na pinamumunuan ni dating Moro National Liberation Front (MNLF) commanders Rohong de Guzman at Kadil Musadikan.
Binanggit pa ni Col. Juvenal Narcise, tagapag-salita ng Task Force Comet na ang matinding labanan ay nagsimula ng atakihin ng civilian volunteers ang grupo ni Khadafy Janjalani, Abu Asmad Salayuddi, alyas Abu Sabaya at isang Big Boy na may 60 mga armadong tauhan dakong alas-9 ng umaga noong nakalipas na Martes sa Sitio Sumapilong sa panulukan ng Barangay Sulluh at Kannap sa Tapiana Island.
Nabatid pa kay Narcise na ang grupo nina Janjalani at Sabaya ay napadpad sa Tapiana Island matapos na sila ay mataboy ng mga humahabol sa kanilang tropa ng pamahalaan.
"Labing-apat sa mga CVO ang nasawi, gayunman mas marami ang nasawi sa panig ng mga bandido", dagdag pa ni Narcise.
Idinagdag pa nito na narekober ng tropa ng pamahalaan ang may 50 matataas na kalibre ng baril buhat sa grupo ng mga bandido matapos na ipag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang all-out-war laban sa naturang grupo. (Ulat ni Roel Pareno)