Nakilala ang inakusahan nang panggugulpi na si Congressman Antonio Diaz na kumakandidato ngayong gobernador. Gayunman hindi binanggit ang mga pangalan ng mga armado nitong security escorts.
Ang mga biktima na dumulog sa tanggapan ng pulisya at nagtamo ng mga pasa sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ay nakilala namang sina Romel Garcia, 30; Leo Auselo, 25; Michael Asuelo, 28; Alex Pascacio, 31; Amado Padrique, 26 at Reynaldo Padrique, 24, pawang residente ng Barangay Magsaysay, Castillejos, Zambales at mga supporters naman ni gubernatorial candidate Vicente Magsaysay.
Batay sa ulat, na ipinarating kahapon ni Police Regional Office (PRO) 3 sa Camp Crame, dakong alas-12 ng tanghali habang ang mga biktima ay nagdidikit ng posters ni Magsaysay sa kahabaan ng national highway sa Barangay Bamban, Masinloc, Zambales ng maganap ang insidente.
Nabatid na ang grupo ni Congressman Diaz ay lulan ng tatlong sasakyan nang mapadaan at matiyempuhan ng mga ito ang mga biktima na nagdidikit ng poster ng kanyang kalaban.
Nabatid na huminto ang sasakyan nila Diaz. Bumaba umano ito sa sasakyan kasunod ang mga escorts at pinagsusuntok ang mga nabiglang biktima.
Bago pa tuluyang umalis, sinabi ng mga biktima na kinuha rin umano ni Diaz ang susi ng truck na service ng mga biktima.
Ang mga suspect ay ipaghaharap ng kasong slight physical injuries, malicious mischief, grave threat at theft matapos umanong pagnakawan pa ng mga bodyguard ng kongresista ang mga biktima. (Ulat nina Joy Cantos at Jeff Tombado)