Mistulang delubyo ang nasaksihan ng mga residente nang marinig dakong alas-5 ng hapon ang dumadagundong na hangin, na nagpataas sa lahar, kasunod ang malakas na pagbuhos na ulan.
Ayon kay Dr. Emmanuel Guanlao, chief ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) na 15 kabahayan ang iniulat na wasak na wasak, habang 15 naman ang bahagya ring nasira sa Barangay Manibaug Pasig makaraang manalanta ang malakas na buhawi sa lahar-buried area na dito nagtayo ng maliliit na bahay ang mga residente.
Bagamat walang iniulat na nasawi, marami ang sinasabing nasugatan matapos na sila ay sorpresahin ng malakas na hangin sa loob ng kanilang mga bahay.
Halos zero visibility ang naganap sa malaking bahagi ng lugar matapos na itaas at ikalat ang malakas na hangin ang mga nakaimbak na lahar.
Bukod dito, naapektuhan din ng freak thunderstorm ang transformer ng kuryente sa bayan ng Sta. Cruz na nagresulta sa pagkakaroon ng power failure sa maraming lugar dito. (Ulat ni Ding Cervantes)