Samantala, inambus din at napatay ng mga rebelde ang chief of police sa Surigao City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang mga pinaslang na sina Mayor Herminio Reyes ng Loreto , Agusan del Sur at si Surigao City chief of police, Supt. Andres Santos.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang pagpaslang kay Mayor Reyes ay naitala noong Linggo ng gabi habang ito ay nakatayo sa entablado sa isinasagawang political rally ng kanyang partido ng bigla na lamang pagbabarilin ng mga suspect na hinihinalang mga rebeldeng NPA.
Si Reyes na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan ay agad na humandusay at namatay noon din.
Nabatid na si Reyes ang ikatlong mayoralty candidate na pinaslang sa lalawigan matapos ang halos magkasunod na pagpaslang sa dalawa pang kandidato sa pagka-mayor sa bayan ng Bayugan at La Paz, ng nabanggit na lalawigan kamakailan.
Magugunitang inamin ng isang nagpakilalang Ka Bart ng Front Navarro Command ng Northern Mindanao Region ng NPA na sila ang responsable sa pagpaslang sa mga kandidatong sina Bayugan Mayor Lope Asis at Oscar Torralba ng bayan ng La Paz.
Samantala, ang pulis namang si Supt. Santos ay binistay ng bala ng mga rebelde habang lulan ng kanyang sasakyan sa may Barangay Bangonay, Jabonga, Agusan del Norte.
Base sa ulat naganap ang pananambang sa Surigao City chief of police dakong alas-6 ng umaga kahapon. Nabatid na walang kasamang security escort ang naturang pulis ng maganap ang pananambang.
Sinabi pa sa ulat na bago tuluyang nagsitakas ang mga suspect ay nilapitan pa ng mga ito ang biktima at muling pinagbabaril para matiyak na hindi na ito mabubuhay pa.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa dalawang insidente ng karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)