Ayon kay Singson, inaasahan niyang mas mauunang ipalabas ng Sandiganbayan ang warrant laban kay Estrada kaysa sa warrant ng kanyang mga ka-lalawigan.
Isang source sa Sandiganbayan, ang nagsabi na nakatakda ng ipalabas ang warrant of arrest para sa mga opisyal ng pamahalaan ng Ilocos Sur dahil sa kasong falsification of public documents at ilegal na pagpapalabas ng pondo mula sa tobacco excise tax sa nasabing lalawigan.
Binanggit ni Singson na mas dapat unahin ang warrant of arrest laban kay Estrada dahil mas malaki ang kasalanan nito kumpara sa kasalanang nagawa ng ilang opisyal sa kanyang lalawigan.
Ang mga nakatakdang arestuhin ay sina Ilocos Sur Vice- Gov. Deogracias Victor Savellano, Provincial Treasurer Antonio Gundran, Provincial Accountant Carolyn Pilar, Provincial Budget Officer Erlita Arce, General Services Officer Enrie Mendoza at mga kawaning sina Leonila Tadena, Estrella Mercurio, Dionisia Pizarro at Cornelio Almazan.
Ang kaso laban sa mga nabanggit ay bunsod na rin sa umanoy manipulasyon ng mga ito sa ilang dokumento upang maipalabas na maayos ng Commission on Audit report ukol sa P170 milyon tobacco excise tax.
Gayunman, matatandaang sinabi ni Singson na ang P130 milyon sa nasabing halaga ay personal niyang dinala sa tahanan ni dating pangulong Estrada sa Greenhills, San Juan. (Ulat ni Malou Rongalerios )