Dead on the spot sa insidente ang biktimang si George Bio, empleyado ng munisipyo sa bayan ng Langiden, matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nakilala naman ang nasugatang si Langiden Vice Mayor Isidro Bueno tumatakbong muli sa posisyon bagaman hindi nabanggit sa ulat ang partido pulitikal na kinaaniban nito.
Si Bueno ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan at kasalukuyan pang ginagamot sa Seares Medical Hospital sa nasabing lalawigan matapos na sugatang makatakas sa ambush site.
Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong alas-2:30 ng hapon sa bisinidad ng Sitio Tambak, Brgy. Poblacion, Langiden, Abra.
Base sa pangunang pagsisiyasat, ang mga biktima ay lulan ng motorsiklo nang pagbabarilin ng mga suspek na armado ng cal. 5.56 revolver na nakilalang sina Mariano Dacuyan at Charito Tolentino, Brgy. Chairman ng Brgy. Poblacion sa bayan ng Langiden.
Agad namang naaresto ang suspek na si Dacuyan na napag-alamang wanted sa kasong homicide sa Baguio City.
Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis sa suspek na si Tolentino na nagtatago sa batas matapos masangkot sa krimen. (Ulat ni Joy Cantos)