Kinilala ni Ilocos Sur Provincial Police Director Supt. Fidel Cimatu ang nasawing kandidato na si Teodoro Hernaez, kasalukuyang mayor ng Sta. Lucia sa naturang lalawigan.
Samantalang ang tatlo nitong aide na nasawi rin sa naganap na karahasan ay nakilalang sina PO2 Robert Maungayan, PO3 William Agpalo at SPO2 Rodolfo Hernaez na sinasabing kamag-anak ng mayor.
Sinabi ng pulisya na nagsasalita sa entablado si Hernaez sa kanyang miting de avance sa Barangay Namangtika sa Sta. Lucia kamakalawa ng gabi nang pagbabarilin siya ng mga suspek.
Itinaon ang pamamaril sa alkalde habang nagpapaputok ng mga fireworks ang kanyang mga tagasuporta.
Nabatid na inuna munang pinagbabaril ng mga hinihinalang hired killer ang mga bodyguard nito bago tinarget ang naturang mayor.
Agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang mga biktima na nagtamo ng tama ng mga bala ng .45 kalibreng baril, 9mm at M-16 sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Matagal na nakatayo at nakikinig sa talumpati ni Hernaez ang mga salarin bago nila binunot ang dala nilang baril at pinaputukan ang mga biktima.
Tinitingnan ng pulisya ang mga anggulong may kinalaman ang krimen sa darating na halalan o sa insurgency dahil pinamumugaran umano ng mga rebelde ang naturang lugar.
Noong Martes ng gabi, isa pang reelectionist na mayor na si Lope Asis ng Bayugan, Agusan del Sur ang pinagbabaril at napatay ng mga hinihinalang hired killer habang nagtatalumpati sa isang political rally sa Sitio New Cagbas ng naturang bayan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa panibagong kaso ng karahasan na may kinalaman sa nalalapit na halalan. (Ulat nina Ed Amoroso, Joy cantos, Myds Supnad at Alex Urmatan)