Ito ang ipinahayag ni Delfin "Badette" Jaranilla, marketing manager ng family-owned Lisland Rainforest Resort sa Urdaneta City hinggil sa aksidenteng naganap dito, kung saan ay nakuryente at namatay si Antonio Rosales, kandidatong konsehal sa Urdaneta sa ilalim ng Lakas- NUCD noong nakalipas na Huwebes Santo habang sinasagip ang dalawang batang kaanak nito na sinasabing nakukuryente at nalulunod sa kiddie pool ng naturang resort.
Sinabi pa ni Jaranilla na walang nakabukas na ilaw sa gilid ng swimming pool ng mga oras na iyon dahil sa binubuksan lamang nila ang ilaw sa pool pagsapit ng alas- 6 ng gabi.
Aniya, selyado ang mga ilaw at imposible na magkaroon ng kuryente sa naturang swimming pool.
Ayon sa kanya, na labis silang nalungkot sa pangyayari lalo pa ngat si Rosales ay matalik nilang kaibigan.
Binanggit pa nito na sasagutin nila ang pagpapalibing kay Rosales at pati na rin ang pagpapagamot sa dalawang pamangkin nito na sina Rey Ann Reyes, 6 at Jaezer Ferrer,5. Isinugod ang tatlo sa pagamutan, gayunman minalas na bawian nang buhay si Rosales.
Sinabi pa ni Jaranilla na nagpatawag na sila ng eksperto hinggil dito, upang mahingan ng opinyon at ipapatawag din nila ang kontraktor ng naturang resort. (Ulat ni Cesar Ramirez)