Kotse sumalpok sa truck: 3 katao dedo, 3 grabe

CAMP OLIVAS, Pampanga – Tatlo katao ang iniulat na nasawi, samantalang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok ang isang Toyota Corolla sa nakaparadang Hino trailer truck sa Barangay Calipahan sa Gapan, Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga nasawing biktima na sina Armando Pascual, 37; Edwin Villamayor, 32 at Marcelino Andaya.

Ang mga sugatan naman na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ay nakilalang sina Gener Villamayor, Arman Macasaet at Bobby Flores.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi habang binabagtas ng naturang kotseng minamaneho ni Pascual na dito lulan ang mga biktima ang kahabaan ng Barangay Calipahan sa naturang bayan nang biglang mag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan.

Minalas namang sa pag-overtake nito ay sumabog ang kaliwang harapang gulong hanggang sa mawalan ng kontrol at tuloy-tuloy na sumalpok sa isang nakaparadang Hino trailer truck na nakaparada sa kabilang linya. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments