Suporter ng PPC grabe sa pananaksak

Isang masugid na supporter ng People’s Power Coalition (PPC) ang iniulat na nasa kritikal na kondisyon makaraang pagsasaksakin ng isa sa mga taga-kampanya ng kalabang partido sa panibagong pagsiklab ng karahasan sa Iligan City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ang biktima na kinilalang si Garey Montanery Manio, 18-anyos ay kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa Don Gregorio Lluch Memorial Hospital bunga ng tinamo nitong malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa isinagawang follow-up operations ng mga operatiba ng pulisya, agad namang natukoy ang suspect na si Rodelio Baludonan.

Batay sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong alas-11:00 ng tanghali sa kahabaan ng Mahayahay Highway sa Brgy. Mahayahay, Iligan City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments