Magkapatid pinugutan ng mag-bayaw

KAMPO HENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan – Naglunsad na ang mga tauhan ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan ng isang manhunt operation laban sa mag-bayaw na responsable sa pagpaslang at pamumugot ng ulo sa magkapatid noong nakalipas na Huwebes Santo sa Sapang Alat, Marcela 5, Barangay San Manuel, San Jose del Monte City sa nabanggit na lalawigan.

Sa kautusang ipinalabas ni Supt. Emelito Sarmiento, PNP provincial director na dapat lamang na madakip agad ang mga suspect na nakilalang sina Wilfredo Linsangan , 44, isang tanod at Ricky Tonil dahil na rin sa lubhang mapanganib ang mga ito.

Magugunitang ang dalawa ay sangkot sa pagpaslang at pamumugot ng ulo sa magkapatid na sina Arturo, 30 at Noe Sula, 37.

Nabatid sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya na ang mga biktima at mga suspect ay sa iisang bahay lamang nanunuluyan at pawang mga trabahador sa isang construction site sa naturang lugar.

Bago maganap ang karumal-dumal na krimen ay napag-alamang nag-inuman pa ang mga biktima at mga suspect. Sa gitna ng inuman naungkat at pinagtalunan ng mga ito ang nawawalang mga gamit sa construction.

Ito ay nauwi sa mainitang pagtatalo at pagsasaksakan.

Sinasabing ang suspect na si Linsangan ay nagtamo ng saksak sa likuran, subalit siya ay agad na tinulungan ng bayaw na si Tonil na gumanti sa mga biktima.

Nang bumulagta na ang magkapatid ay pinugutan pa ang mga ito ng mga suspect bago tuluyang nagsitakas. Idinisplay pa ng mga suspect sa gitna ng kalsada ang mga ulo ng biktima.

Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang dagger bladed weapon at isang jungle bolo na pinaniniwalaang siyang ginamit sa pagpatay at pagpugot sa ulo ng magkapatid.

Binanggit ng ilang ka-barangay ni Linsangan na posibleng naapektuhan na ang utak nito dahil sa dami ng natamong kagat ng aso.
"Maraming beses na siyang nakakagat ng aso, dahil iyon ang trabaho niya sa barangay ang manghuli ng asong gala, hindi siya nagpapatingin hinuhugasan lang niya, sabi niya sanay na ang balat at katawan niya sa mga kagat ng aso", pahayag ng isang kaibigan ni Linsangan. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments