Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza, naitala ang unang insidente dakong alas 11:45 ng umaga sa Bgy.West Migpulao, Dinas, Zamboanga del Sur.
Sa pagsisiyasat, katatapos lamang umano ni re-electionist Dinas Mayor Wilfredo Asoy kasama ang anak sa pangangampanya sa nasabing lugar ng bigla na lamang sumambulat ang itinanim na bomba na may limang metro ang layo sa kinatatayuan ng mga ito habang pasakay ng motorsiklo.
Ang pagsabog ay naganap sa mismong pinagtalumpatian ni Asoy na kung hindi napaaga ang pag-alis dahil sa importanteng lakad ay malamang na nasawi ito.
Bagamat walang naiulat na nasaktan ay nagkaroon ng matinding takot ang naramdaman ng mga sumusuporta kay Asoy.
Samantala ang ikalawang pangyayari ay naganap dakong alas 11:30 ng gabi nang paulanan ng grenade launchers ng mga hindi pa kilalang mga suspek ang tahanan ni mayoralty candidate Amer Asip na nasa Bgy.Maliwanag,Pantao Ragat,Lanao del Norte.
Napag-alaman sa pulisya na ang mga suspek ay pumosisyon umano sa Bgy. Lomindog bago pinaputok ang grenade launcher.
Wala ring naiulat na nasugatan sa insidente bagamat napinsala ang halamanan at garahe ni Asip.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na direksyon. (Ulat ni Joy Cantos)