Japayuking buntis kinatay ng ka-live-in

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan – Isang 23-anyos na Japayuki na anim na buwang buntis ang iniulat na nasawi, matapos na tadtarin ng saksak ng adik nitong ka-live-in sa loob ng kanilang tirahan sa North Ridge Executive Village, Barangay Sto. Cristo sa bayang ito, kamakalawa ng hatinggabi.

Ang biktima na halos lumuwa ang bituka, gayundin ang sanggol sa sinapupunan nito sanhi ng hindi mabilang na saksak na tinamo sa tiyan ay nakilalang si Lourdes Valencia Tacage, residente sa nabanggit na lugar at isang entertainer sa bansang Hapon.

Agad namang nadakip at ngayon ay nakapiit sa himpilan ng pulisya ang suspect na nakilalang si Jesus Santiago, 32, ng Barangay Bigti, Norzagaray sa naturang lalawigan at umano ay kilalang adik sa kanilang lugar.

Ayon sa salaysay na ibinigay ng katulong ng nasawi, na dakong alas- 12:00 ng hatinggabi nang dumating sa bahay ng kanyang amo ang suspect na noon ay bangag sa droga. Walang kibo umano itong umakyat sa kuwarto ng kanyang amo at makaraan ang ilang minuto ay narinig niya ang pag-aaway ng dalawa na hindi naman niya pinansin dahil sa ito ay pangkaraniwan na sa dalawa.

Ilang sandali pa ang lumipas ay may kumatok sa kanyang kuwarto at nang kanyang buksan ay tumambad sa kanya ang mukha ng suspect na agad na pumalo sa kanyang ulo ng isang matigas na bagay dahilan upang mawalan siya ng malay.

Nang magbalik ang kanyang ulirat ay lumabas siya ng kuwarto para alamin kung ano ang nagyari sa kanyang amo at doon nakita niya ang dugo sa lapag hanggang sa loob ng kuwarto ng kanyang amo.

Nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa kanya ang nakahandusay na katawan nito.

May hinala pa ang pulisya na pinagnakawan pa ng suspect ang biktima.

Sa isinagawang follow-up operation ay natunton at nadakip ang suspect. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments