Dalagita todas dahil namagitan sa away ng kanyang mag-utol

LUCENA CITY – Isang 16-anyos na dalagita na namagitan sa pag-aaway ng kanyang dalawang kuya ang iniulat na nasawi makaraang aksidenteng mabaril ng isa sa mga ito, kamakalawa ng hapon sa Purok Pag-asa, Barangay Gulang-gulang sa lunsod na ito.

Ang biktima na nagtamo ng tama ng bala ng sumpak sa kanyang kaliwang dibdib at nasawi habang ginagamot sa Mt. Carmel General Hospital ay nakilalang si Aiko Carpio.

Boluntaryo namang sumuko ang nakabaril niyang kuya na nakilalang si Jeffret Carpio, 18.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Rey Belarmino, may hawak ng kaso na dakong alas- 4:30 ng hapon ay nagkaroon ng mainitang pag-aaway ang dalawang nakatatandang kapatid ng biktima, isa nga dito si Jeffret.

Sa gitna ng away ay namagitan si Aiko at pilit na inaawat ang kanyang mga kuya. Sa kanyang paggitna sa away ay aksidente namang nakalabit ni Jeffret ang hawak na sumpak na tumama sa dibdib ng kapatid na babae na naging dahilan ng kamatayan nito.

Hindi binanggit ang pangalan ng isa pang kuya ng biktima na nakaaway ni Jeffret.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments