Turista, dadagsa sa Subic

SUBIC BAY FREEPORT – Inaasahang libu-libong mga turista ang dadagsa upang magbakasyon sa itinuturing pa ring pangunahing destinasyon ang Subic Bay Freeport tuwing sasapit ang panahon ng tag-init o summer, partikular na ngayong holy week.

Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Felicito Payumo, ang Subic ay isa nang ganap na destinasyon para sa lahat ng turistang nagnanais na magpalipas ng kanilang bakasyon dito.

Patunay dito aniya, ay halos lahat ng mga hotel, housings at iba pang mga pasilidad ng Subic Freeport ay fully-booked na ng mga lokal at maging dayuhang turista, karamihan umano ay mula sa bansang Hapon, Taiwan, China, Europe at Estados Unidos.

Malaki ang naitulong ng mga naiibang summer packages na ipinagkaloob ng mga hotel, ayon kay Payumo.

Ilan sa mga bagong atraksyon na naghihintay sa mga turista ay ang Apiliin Mountain Trail na popular ngayon sa mga mahihilig sa nature trek.

Sa naturang trail, ang turista ay babagtas sa loob ng makapal na kagubatan at sasakay ng kayak o maliit na bangka at babagtasin ang mangrove forest palabas sa Triboa Bay patungo sa landing area. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments