Van vs jeepney: 4 todas, 7 kritikal

BALAGTAS, BULACAN – Apat katao ang kumpirmadong nasawi, samantalang pito naman ang malubhang nasugatan sa isa namang aksidenteng naganap sa North Luzon Expressway na kinasasangkutan ng isang Izusu Elf cargo van at isang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na tinanggap ni Chief Inspector Arthur Felix de Asis, hepe ng pulisya sa nabanggit na bayan, ang mga nasawi ay nakilalang sina Alfredo Galang, driver ng nasabing jeep at Angelino Pascua, driver ng Izusu Elf van, kabilang na ang dalawang babae na sakay nito na hindi pa nakikilala hanggang sa kasalukuyan.

Nilalapatan naman ng lunas sa Bulacan Provincial Hospital ang pitong nasugatan na nakilalang sina Leonora Angeles, Ronaldo Gamut, Alvin Tamayo, Oscar del Rosario, Remedios Cardino at ang magkapatid na Nelson at Marites Granadusin, pawang mga fish vendor at residente ng Angeles City.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong ala-1 ng madaling araw habang binabagtas ng nasabing Izusu van ang kahabaan ng expressway patungong Balintawak exit nang mawalan ng kontrol hanggang sa tumawid sa kabilang linya at nabangga ang paparating na jeep na patungo namang Norte.

May teorya ang pulisya na posibleng nakatulog ang driver ng naturang Izusu Elf na pangkaraniwang nangyayari sa mga motorista.(Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments