Dakong alas-3 ng hapon ng i-turn over ng pamunuan ng Melito Glor Command sa pangunguna ni Gregorio Rosal, alyas Ka Roger at ng International Committee of the Red Cross (ICRC) si Major Buan sa grupo naman ng humanitarian and peace mission na pinangungunahan ni Senator Loren Legarda.
Si Legarda kasama si Bishop Jesus Varela at Reverend Tomas Millamena ang siya namang nagdala kay Buan sa kanyang asawang si Cielo at anak na si Jenina.
Naging madamdamin ang naturang pagtatagpo ng mag-anak dakong alas- 4 ng hapon, kung saan luhaang sinalubong nina Cielo at Jenina ang binihag na Army major na napawalay sa kanila sa loob ng halos 2 taon.
Si Buan na nakasuot ng puting damit at may mahabang buhok at lubhang nakitaan pa ng panghihina ng katawan. Ito ay agad na isinailalim sa health check-up sa Army medical facilities sa Maynila.
Sinasabing nagtataglay ito ng sakit na malaria at may idinadaing na sakit sa kanyang likod na natamo sa ilang buwan nitong pagkabihag.
Unang katagang sinabi ni Buan sa mga sumalubong sa kanya ay "kapayapaan". Nang isang kaibigan naman ang nagsabi kay Buan ng "welcome back", sumagot naman ito na "hindi ako umalis, nasa bansa pa rin ako".
Sinabi ni Legarda na labis ang kanilang kasiyahan sa natuloy na pagpapalaya kay Major Buan para naman mabigyan na ng daan ang peace process sa pagitan ng pamahalaan ng mga rebeldeng komunista.
Samantala, nakatakda nang iharap ngayong umaga kay Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo sa Malacañang si Major Buan kasama ang kanyang pamilya.
Ayon kay Presidential Adviser on Peace Process Eduardo Ermita, inayos na nila ang appointment ng pakikipagkita ni Buan sa Pangulo.
Bukod kay Ermita, ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpunta sa Mindoro ay sina Justice Secretary Hernando Perez, Agrarian Reform Secretary Hernani Braganza at Atty. Silvestre Bello III, pinuno ng peace panel ng pamahalaan sa pakikipagpulong sa CPP-NPA-NDF. (Mga ulat nina Doris Franche,Lilia Tolentino at Joy Cantos)