"Wala silang pagpipilian kundi palayain ang kanilang mga bihag o sumuko o di kaya ay mamatay", ani AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, kaugnay na rin ng all-out-war na idineklara ng pamahalaan laban sa bandidong grupo.
Nabatid na papalapit na ang mga elemento ng Task Force Trident sa kuta ng mga bandido sa Sulu.
Ayon naman kay Brig. Jaime Canatoy, ng AFP Civil Relations Service na posibleng patibong lamang bilang bahagi ng psywar ang banta ng mga bandidong Abu Sayyaf na pupugutan nila ng ulo si Schilling bilang regalo sa pagdiriwang ngayon ng ika-54 na kaarawan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa kabila nito hindi isinasantabi ng AFP ang posibilidad na maaaring ituloy ng mga rebelde ang pagpugot ng ulo kay Schilling tulad ng nanuna nang pahayag ng grupo, gayunman ito ang siyang magbibigay ng sapat na dahilan sa militar upang lubus-lubusin na ang operasyon para pulbusin ang grupo.
Ipinahiwatig ni Canatoy na maaaring ituloy ng Abu Sayyaf ang pagpugot ng ulo sa Amerikanong bihag pero pagsisisihan ng mga ito ang kanilang gagawin. (Ulat ni Joy Cantos)