Kinilala ng pulisya ang kidnap-victim na si Rachel Faith Cabatbat na nakuha sa pag-iingat ng isa sa mga suspect na nakilalang si Mylene Casta, 16, dalaga ng Barangay San Roque 1, Occidental Mindoro.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Bernie Altez, may hawak ng kaso, isinagawa ng mga awtoridad ang pagdakip sa suspect at pagliligtas sa kidnap-victim dakong alas-6 ng gabi.
Matagal na umanong minamanmanan ng mga awtoridad ang suspect subalit kamakalawa lamang nagkaroon ng positibong resulta matapos na makumpirmang ang inaalagaan nitong bata ay ang dinukot nila noong 1999.
Sa interogasyon ay sinabi ng suspect na hindi siya ang kumidnap sa bata kundi ang kanyang madrasta na nakilalang si Bernadette Abroquir ng Tagkawayan, Quezon.
Laking pasasalamat naman ni Susan Cabatbat nang maibalik sa kanya ang kinidnap na anak. Binanggit nito na nakahiga lamang sa papag ang kanyang kapapanganak pa lamang noon ng kunin ni Abroquir at buhat nooy wala na siyang nabalitaan.
Sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga taong sangkot sa pagkidnap sa bata habang tinutugis pa ang mastermind na si Abroquir. (Ulat ni Tony Sandoval)