Naging madamdamin ang pagtanggap kahapon ng kanyang ina na si Annie at ng buo niyang pamilya sa labi ng tinaguriang bayaning piloto na si 1Lt. Mary Grace Baloyo buhat sa mga opisyal at miyembro ng 15th Strike Wing ng Phil. Air Force sa Bacolod Airport kahapon.
Kasamang ding itinurn-over ng PAF official ang mga personal belongings ni Baloyo na nagbuhat sa PAF base sa Sangley Point sa Cavite.
Ayon kay Col. Amador Alojado Jr., commander ng 15th Strike Wing na ang pagkawala ni Baloyo ay pumukaw sa atensyon ng mga opisyal dahil sa ito ay kauna-unahang babaeng piloto na naging combat-ready.
Si Baloyo ay magugunitang piloto ng OV-10 reconnaissance at bomber aircraft na nag-crashed noong nakalipas na Lunes sa Clark Field ng Mabalacat, Pampanga.
May pagkakataon pa sana para makalabas sa eroplano si Baloyo subalit pinili nito na i-guide ang aircraft palayo sa babagsakan nitong residential area.
Si Baloyo ay tumanggap na ng maraming medalya at komendasyon sa kabayanihang ipinakita nito sa pagbawi sa Camp Abubakar sa Mindanao noong nakalipas na taon.(Ulat ni Joy Cantos)