Ang biktima na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikilala ay tinatayang nasa gulang na 50 hanggang 55, nakasuot ng dalawang t-shirt at walang saplot sa ibaba nang matagpuan itong nakahandusay sa isang madamong lugar sa may Aguinaldo Highway malapit sa Imus Family Hospital sa nasabing bayan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Felix Malinis, may hawak ng kaso na dakong alas-11 ng umaga ng makatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang security guard sa nabanggit na pagamutan tungkol sa nakitang bangkay ng babae.
Agad na tinungo ng pulisya ang naturang lugar at dito bumulagta sa kanila ang karumal-dumal na kamatayang sinapit ng biktima. Lawit ang dila nito dahil sa pagkasakal ng rubber cord. Pinasakan dito ng matigas na bagay ang ari nito na naging dahilan ng pagluwa naman ng bituka ng biktima .
Naniniwala ang pulisya na sabog sa ipinagbabawal na gamot ang siyang may kagagawan ng naturang krimen.
Wala namang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa biktima. Samantala, isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito.