Ang nagharap ng kaso ay nakilalang si Evangeline, 38, ng Talavera, Nueva Ecija.
Si Evangeline na nakapiit sa district jail dito sa kasong estafa ay nagsampa ng kaso sa tanggapan ni Ombudsman Aniano Desierto sa pamamagitan ng kanyang abugadong si Rolando Bernardo laban kay Chief Inspector Roger Maliwat, jail warden sa Talavera.
Bukod dito, nagharap din ng kasong administratibo si Evangeline laban kay Maliwat, kabilang dito ang grave misconduct, oppression at abuse of authority.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Evangeline na hinalay siya ni Maliwat, una noong nakalipas na Oktubre 24, dalawang beses noong Nobyembre at isa noong Disyembre ng nagdaang taon.
Ang unang insidente ay naganap mismo sa loob ng tanggapan ni Maliwat. Ang mga sumunod ay inilabas siya ng piitan at dinala sa Summerville Hotel sa Baloc, Sto. Domingo at dalawang ulit sa Sarmiento motel sa Talavera.
Tinututukan umano siya ng baril at tinatakot ni Maliwat na isasalvage kung hindi papayag sa kanyang kagustuhan.
Nito lamang nakalipas na Enero nang siya ay mabuntis na ipinaalam niya kay Maliwat. Dahil dito, dinala siya ng warden sa isang Aling Ine sa Barangay Calipahan para sumailalim sa abortion. Nagresulta naman ito sa kanya ng internal bleeding na nagbingit sa kanyang buhay sa kamatayan at nag-alis sa buhay ng kanyang anak. (Ulat ni Manny Galvez)