Bahay niratrat ng MILF rebels: 2 katao patay, 3 grabe

Dalawa katao ang kumpirmadong nasawi, habang tatlo pang sibilyan ang iniulat na nasa kritikal na kondisyon makaraang paulanan ng punglo ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang tahanan ng mga ito sa isang liblib na lugar sa Kabacan, Cotabato, kamakalawa.

Namatay habang isinusugod sa Kabacan Polymedic Hospital ang mga biktimang sina Tamaro Antelino, 25 at Tayan Kusain, 19.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Amas Provincial Hospital ang mga grabeng nasugatan na sina Tisama Paguibin, 36; Erong Antelino, 14 at Rebe Abel, 29.

Batay sa ulat na ipinarating kahapon sa Camp Crame, pasado alas-9 ng gabi ng bigla na lamang sumulpot ang mga suspect sa Sitio Maligaya, Malamuti, Kabacan ng nasabing lalawigan.

Napag-alaman na ang mga biktima ay kasalukuyan nang naghahanda para matulog ng biglang ratratin ng mga suspect ang ilang mga kabahayan sa nasabing lugar.

Tumagal din ng ilang minuto ang pamamaril ng mga suspect bago lumayo ang mga ito.

Pinaniniwalaang ang insidente ay bahagi ng paghahasik ng terorismo ng separatistang mga rebelde sa ibat-ibang panig ng rehiyon ng Mindanao. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments