Lider ng KFR group nasakote

Isang lider ng kidnap for ransom group ang natiklo ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City.

Kinilala ni Supt. Angelo Casimiro, PAOCTF-Mindanao chief ang suspek na si Madum Gani alyas Kumander Mistah, dating miyembro ng MILF at may nakabinbing kasong kidnap for ransom sa Zamboanga City Regional Trial Court.

Sa ulat na pinadala ni Supt. Casimiro kay PAOCTF chief Director Hermogenes Ebdane na ang suspek ay kanilang naaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Zamboanga-RTC kaugnay sa kasong kidnapping at illegal detention.

Naaresto si Gani sa bahay nito sa Block 3, Martha Drive, Bgy. Sta. Catalina, Zamboanga City.

Nahuli si Gani dahil sa kasama nitong lalaki na nakilala lamang sa pangalang Faisal habang naglalakad na may nakasukbit ng baril.

Nang beripikahin ng mga awtoridad si Gani ay doon natuklasan na marami itong nakabinbing mga kaso.

Kabilang sa kasong kinasasangkutan ni Gani ay ang pagdukot sa negosyanteng Fil-Chinese na si Juanita Lee noong nakalipas na taon.

Kasalukuyang nakapiit si Gani sa PAOCTF detention cell sa Zamboanga City. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments