Mister pinagtataga ni misis dahil sa selos

Nasa malubhang kalagayan ang isang mister makaraang pagtatagain siya ng kanyang misis matapos madiskubreng may kinahuhumalingan siyang ibang babae na naganap sa Barangay Talon-Talon, Zamboanga City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ang sugatang mister na si Pat Lim, 31, residente sa nasabing lugar. Ito ay kasalukuyang ginagamot sa Zamboanga Medical Center.

Agad namang sumuko ang suspect na misis na nakilalang si Flora, 37.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong alas- 10:40 ng umaga sa kanilang tahanan.

Sinasabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa ng mabuking ng ginang na may ibang babae si mister.

Sa puntong ito nagdilim ang isip ni misis at biglang kinuha ang itak na nakasukbit sa dingding at pinagtataga ang kanyang mister. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments