Ang biktimang kinilala sa pangalang Trisia Al-Shariff, 26, estudyante at residente ng Kalye Onse, Brgy. Baliwasa, Tabuk, Zamboanga City ay nasagip ng mga tauhan ng Phil. Navy habang naglalangoy sa dagat para sa kaniyang kaligtasan.
Base sa salaysay ni Al-Shariff sa mga awtoridad, dalawa sa kaniyang mga kaibigan ang natangay ng bandidong mga kidnappers na kinilalang sina Almalyn Jimlan at Jenalyn Jimlan.
Si Al-Shariff ay latang-lata na sa pagod at may isang araw ng naglalangoy sa tubig ng marekober ng mga elemento ng Phil. Navy dakong alas-2:00 ng hapon sa malalim na karagatan ng Sulu na napagkamalan pa itong malaking isda at kung di nila ito nilapitan ay di pa nila malalamang tao pala.
Kaagad na isinugod si Al-Shariff sa AFP Southcom Hospital at inilipat sa Zamboanga City Hospital para sa karampatang lunas.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, si Al-Shariff at dalawa pa nitong kaibigan ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan dakong alas-10:00 ng umaga habang lulan ng isang bangkang de motor mula sa Jun D Lan Wharf sa Zamboanga City patungong South Ubian, Tawi-Tawi.
Gayunman, habang naglalayag sila sa gawi ng karagatan ng Sulu ay isang speed boat ang biglang sumulpot at hinarang ang kanilang bangka kung saan matapos tutukan ng baril ang mga pasahero ay tinangay ang tatlong dalaga.
Sa gitna ng mapating na karagatan ay tumalon si Al-Shariff mula sa speed boat at sumisid upang hindi mabalikan ng mga kidnappers.(Ulat ni Joy Cantos)