2 magsasaka binistay ng bala dahil sa basura

KAMPO GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Dalawang magsasaka ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng tatlo nilang kapitbahay nang tumanggi sila na gawing dumpsite ng mga basurang galing sa Metro Manila ang kanilang lugar sa Barangay Sibul, San Miguel, sa lalawigang nabanggit, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Ferdinando Sevilla, hepe ng Bulacan PNP Intelligence and Investigation Group, nakilala ang dalawang biktima na sina Wilson Cabute, 29 at Ernesto Quiroz, 41, kapwa residente ng Zone 4 sa nasabing lugar.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspect na nakilalang sina Marcelo Briola, Alvin Villarama at Jimson Villarin na pawang residente rin sa naturang lugar.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, nabatid na ang dalawang biktima ay lulan ng isang owner type jeep at binabagtas ang isang daan sa kanilang lugar nang harangin ito ng isang tricycle na sinasakyan naman ng mga suspect at walang sabi-sabing pinaulanan ng putok ang mga biktima.

Nabatid pa sa ulat, na inatasan umano ng mga garbage contractor na nakabase sa Maynila ang kanilang mga driver na makipag-kontratahan sa mga opisyal ng barangay sa nasabing lugar upang makapagtapon ng basura dito. At bilang kapalit ay magbabayad ang mga contractor ng halagang P500 piso sa bawat isang truck ng basura na maitatapon sa naturang barangay.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga residente na may planong gawing dumpsite ang kanilang barangay ay agad silang gumawa ng barikada na pinangunahan ng dalawang biktima na posibleng ikinagalit naman ng mga suspect dahilan sa pakinabang na mawawala sa mga ito na pinaniniwalaang siyang naging ugat sa naganap na pamamaril.

Samantala, sinabi naman ni Bulacan Gov. Jose dela Cruz, na kailanman ay hindi niya papayagang gawing tapunan ng mga basura ang kanyang lalawigan dahilan sa ang mga basura ay ilan lamang sa mga nagiging sanhi ng pagkasira ng mga iniingatang yaman ng kalikasan. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments