Ito’y sa kabila ng pagpapatigil ng opensiba ng militar at ng pulisya laban sa grupo ng NPA sa 11 lalawigan sa Southern Tagalog upang mabigyang daan ang pagpapalaya sa nalalabi pang prisoner of war (POW) na si Army Major Noel Buan na mahabang panahon na bihag ng mga rebeldeng komunista.
Samantala, nagdeklara rin ng ceasefire ang pamunuan ng Communist Party of the Phil.-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pamamagitan ng tagapangulo nito na si Jose Maria Sison nitong nakalipas na Marso 17 na tatagal hanggang Abril 11 ng taong ito upang mabigyang daan ang peace talks.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, dakong 7:20 ng gabi ng sumalakay ang grupo ng mga rebeldeng NPA at sunugin ang Smart Telecom Tower na matatagpuan sa bisinidad ng Brgy. Kalo, Lobo, Batangas.
Napag-alaman na humihingi ang mga rebelde ng karagdagang revolutionary tax sa management ng Smart Company subali’t hindi ito napagbigyan na siyang motibo ng panununog ng grupong komunista.
Bago tuluyang nagsitakas ay pinaulanan pa ng punglo ng mga rebelde ang transformer ng Batangas Electirc Company sa nasabi ring lugar.
Tinataya namang umaabot ng P5M ang kabuuang pinsala sa paghahasik ng terorismo ng makakaliwang grupo.
Bagaman wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa naganap na insidente ay nakaalerto na ang puwersa ng pamahalaan upang pigilan ang posible pang pananabotahe na maaring isagawa ng mga rebeldeng komunista. (Ulat nina Joy Cantos at Arnell Ozaeta)