Nakilala ang mga nasugatang biktima na sina Imelda Coremo, 17; Mylene Napuriac, 23; Melissa Quimpan, 22; Rowena Budiongan, 26 at Florante Dulaca, 23.
Ang mga biktima ay mabilis na isinugod sa Saint Louie University at sa Sacred Heart Hospital sa nabanggit na lunsod.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang pagsabog ay naganap dakong alas-6 ng gabi sa ikalawang palapag ng Baguio Center na matatagpuan sa Magsaysay Avenue, Baguio City.
Ayon sa inisyal na ulat, hinagisan ng pampasabog na nakabalot sa dalawang Yakult plastic containers ng mga suspect na nasa ikaapat na palapag ng gusali ang mga shoppers sa ikalawang palapag ng nabanggit na mall.
Binanggit pa sa ulat na ilan pang mga shoppers ang nagtamo ng mga galos dahilan sa pagtutulakan matapos marinig ang malakas na pagsabog.
Nawasak ang dingding sa gawing 2nd floor at ground floor ng mall bunga ng lakas ng pagsabog.
Sa kaugnay pang kaganapan, napigilan ng mga elemento ng Baguio City Police ang isa pang insidente ng pagpapasabog makaraang marekober ang isa pang eksplosibo na itinanim sa loob ng isang OCD record bar sa lunsod ilang oras matapos ang naganap na pagpapasabog sa nasabing mall.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang naturang insidente para matukoy kung sino ang posibleng may kagagawan nito at kung ano ang kanilang motibo.
Ang insidente ay naganap ilang linggo na lamang bago sumapit ang Mahal na Araw na sa mga araw na ito lubhang dinadayo ang lunsod ng Baguio. (Ulat ni Joy Cantos)