Bagamat ito ay pangalawa sa tatlong malalaking isla na bumubuo sa Pilipinas, bihirang bisitahin ng bagyo at maliban dito ay busog sa mga likas na yaman at pangunahing produkto, maging sa agrikultura at industriya ay tigang naman ito sa pagmamalasakit at pag-aalintana ng taong may makatotohanan at magagandang adhikain.
Bukod pa rito, ang Mindanao ay puno sa mga magagandang tanawin at mga likas na mineral tulad ng langis na kung saan ayon sa pananaliksik, nasa isla ng Mindanao nakaimbak ang isang mataas na uri ng langis partikular na sa mga lugar ng Palawan, Sarangani, Sulu sea, Maguindanao at Sultan Kudarat.
Matatagpuan rin sa Mindanao ang pinakamaganda at "world class" na paliparan, ang General Santos City International Airport na kahit ang mga US war planes ay puweding lumapag.
Sa General Santos City, naman matatagpuan ang pinakamalaki at "world class" na daungan, ang General Santos City International Sea Port sa Makar, bukod pa rito, ang lungsod ding ito ang number 1 na nagsu-supply sa buong Asia ng pinakamataas na uri ng isdang "tuna" na ginagawang "sashimi".
Ang mga katangiang aking nabanggit ay ilan lamang sa mga magagandang bagay mayroon ang Mindanao, at kung ating bubusisihing mabuti ay maituturing nga nating isang paraiso o lupain ng pangako.
Subalit taliwas sa mga naturang katangian ng mayroon ang lupaing ito, mulat sapul ay masasabi nating ang impresyong bumabalot sa Mindanao lalo na sa mga dayuhan at maging sa ating mga kapwa Pilipino, ito ay isang lupain na puno ng apoy, poot at kaguluhan.
Mula noon hangang sa kasalukuyan, ang Mindanao ay parang isang nawawalang paraiso na naghihintay ng isang butihing nilikha na kakalinga rito.
Marami ng mga taong nagpapanggap na umanoy tutulungan na makabangon ang Mindanao, maging mga pulitiko man o mga pilantropo, subalit hanggang sa kasalukuyan ang lupaing ito ay tila ginagamit lamang na dahilan para sa kanilang mga pansariling kapakanan.
Sa panig naman ng mga rebelde sa Mindanao, naging lagi nilang kadahilanan ang karukhaan, racial discrimination, racial segregation at kakulangan ng edukasyon sa kanilang mga pag-aklas sa pamahalaan.
Kung atin namang susuriin may ilang lider naman sa ating pamahalaan na sanay nasa posisyong matulungan ang Mindanao ay lalo lamang ng mga ito sinira sa pamamagitan ng paglunsad ng giyera sa naturang lupain, na kahit ang mga inosenteng mga mamamayan ay pinanawan ng buhay maging ang mga walang kamuwang-muwang na mga kabataan.
Ilan na sa mga lider ng ating pamahalaan na nangakong bigyan ng direksiyon ang naturang lupain, subalit mula noon hanggang sa kasalukuyan, ang Mindanao na tinaguriang "Lupang Pangako" ay nananatiling isang "Lupang Pinabayaan". (Ulat ni Rose Tamayo)