Biktima ng kidnappers, nakatakas

CAMP VICENTE LIM, Calamba – Isang 13-anyos na pupil ang iniulat na nakatakas sa kamay ng kanyang mga kidnappers na pinaniniwalaang miyembro ng sindikato ng white slavery ang natagpuan ng isang ginang sa isang marumi at madilim na lugar sa Sampaloc St., Puerto Princesa City, Palawan.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Chief Superintendent Domingo Reyes, PRO4 Regional Director buhat sa Palawan PPO, nakilala ang nakatakas na kidnap-victim na si Regina Vilnas.

Ang biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga awtoridad at ililipat sa Department of Social Welfare and Development upang sumailalim sa isang pagsusuri.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng operasyon ang magkasanib na puwersa ng Narra Police Station at Palawan Provincial Police Office para sagipin sa kamay ng mga kidnappers ang kapatid ni Regina na nakilalang si Katherine Vilnas, 9.

Malaki rin ang paniwala ng pulisya na marami pang bata ang posibleng hawak pa ng grupo ng mga suspect.

Binanggit sa ulat na noong Lunes ng umaga papauwi na ang magkapatid na Vilnas galing sa palengke nang biglang hintuan ng isang shuttle van sa kahabaan ng kalye sa Barangay Bacunang.

Dalawang armadong lalaki ang bumaba sa van at walang sabi-sabing sapilitang dinala ang magkapatid.

Napag-alaman na nagkaroon ng pagkakataon na makatakas si Regina hanggang sa makarating ito sa Barangay Sampaloc St. na doon ito natagpuan ng isang Linda del Rosario na siyang nagsama sa bata sa mga awtoridad. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments