Ang sekyu na natagpuang nakahandusay sa loob ng establisimentong binabantayan nito at hawak pa ang baril na ginamit sa pagpapatiwakal ay nakilalang si Joselito Mardo, security guard sa Melloville Building ng Sharp Service Center.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Carlito Gener, may hawak ng kaso na dakong alas-5 ng madaling araw ng matagpuan ang bangkay ni Mardo na may tama ng bala ng baril sa sentido. Tangan pa nito ang isang cal. 38 na baril na sinasabing ginamit sa pagpapakamatay.
Nakuha rin sa tabi nito ang dalawang suicide note, ang isa ay para sa kanyang pamilya at ang isa naman ay para sa kanyang amo.
Nakasaad sa liham ang paghingi nito ng tawad sa kanyang pamilya, gayundin din sa kanyang amo dahil sa naging kapabayaan niya sa trabaho dahilan upang mapasok ng magnanakaw ang naturang establisimento ilang araw bago naganap ang pagpapatiwakal.
Nabatid sa kasamahan nitong isa ring sekyu na matindi umano ang naramdamang takot ni Mardo sa kanilang amo dahil sa naganap na nakawan.
Gayunman, sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para alamin kung may naganap na foul play sa naturang insidente. (Ulat ni Cristina Timbang)