Kinilala ni Chief Inspector Armando Dolor, chief of police sa bayang ito ang biktima na si Felix Monserat, residente ng Barangay Masin Norte, habang tumakas naman ang di-nakikilalang suspect.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Rafael Ausa, may hawak ng kaso, dakong alas-9:00 ng gabi ay sinisingil ang biktima ni Jeanete Baluarte, trabahador sa Sally Videoke bar.
Tumanggi ang biktima na bayaran ang kanyang bill kung kayat nagpasya si Baluarte na tumawag ng pulis upang ipahuli ang una.
Hindi pa man nakakapasok sa loob ng videoke bar ang mga pulis na sinundo ni Baluarte ay nakarinig na sila ng isang malakas na putok ng baril mula sa loob ng establisimyento at ng sila ay pumasok ay nakita nilang nakadapa ang biktima at naliligo sa kanyang sariling dugo dahil sa tama ng punglo sa ulo.
Hinihinala ng mga awtoridad na nainis ang di nakikilalang suspect sa biktima dahil sa pagtanggi nitong bayaran ang kanyang bill, gayunman ay kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya. (Ulat ni Tony Sandoval)