Truck vs truck: 2 katao patay, isa sugatan

Dalawa katao ang nasawi, samantalang isa pa ang malubhang nasugatan matapos na magbanggaan ang isang trailer at cargo truck kahapon ng madaling araw sa North Luzon Expressway sa Bulacan.

Kaagad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang mga biktimang si Ronaldo Bulot at isang hindi pa nakikilalang babae na kasama nito.

Samantala, kasalukuyang ginagamot sa Saint Martin Hospital si Alfredo Peralta ng San Jose City.

Base sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw ng maganap ang aksidente sa Kilometer 24 ng North Luzon Expressway sa Marilao, Bulacan.

Nabatid na sakay ang mga nasawi sa isang cargo truck na patungong Maynila ng mabangga nito ang hulihang bahagi ng trailer truck.

Nahirapan namang ilabas ng mga awtoridad ang katawan ng dalawang nasawi sa loob ng cargo truck dahilan sa pagkakaipit ng mga ito sa loob ng sasakyan.

May hinala ang pulisya na maaaring nakatulog si Bulot habang nagmamaneho kaya hindi nito napansin ang truck sa kanyang unahan na doon sila bumangga ng malakas. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments