57-anyos na lalaki pinagtulungang patayin ng mag-ama

Hindi pinatawad ng mag-aama ang isang 57-anyos na matandang lalaki ng ito ay kanilang pagtulungang patayin sa pamamagitan ng pagbaril at pagsaksak dito sa Iloilo.

Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Rodrigo Mesada, residente ng Bgy. Jereos, Lapaz ng nasabing lalawigan

Agad namang natukoy ng mga awtoridad ang mag-aamang suspek na nakilalang sina Elpidio Jeroy Sr.,at dalawang anak nitong sina Elpidio Jr. at Clent na kapit-bahay ng nasawi.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas 11:45 ng gabi ay naglalakad pauwi ng bahay ang biktima nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek.

Nang duguang bumagsak sa lupa ang biktima, lumapit pa ang mga suspek at ito ay kanilang pinagsasaksak para matiyak ang kamatayan nito.

Matapos ang krimen ay nagsitakas ang mag-aama na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na matagal ng may alitan ang biktima at ang matandang Jeroy kaya’t nakaplano ang pagpatay nila dito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments