Ayon sa isang source, nakatakda nang magpalabas ng desisyon sa susunod na linggo ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kahilingan ng Estados Unidos na ipa-extradite si dating Quezon Gov. Eduardo Rodriguez na kandidatong muli sa pagka-gobernador.
Si Rodriguez ay nahaharap sa kasong pagpalsipika sa kamatayan ng kanyang asawa upang makakolekta ng $150,000 halaga ng insurance.
Matindi umano ang kahilingan ng US government sa pamahalaang Arroyo sa pamamagitan ni DOJ Sec. Hernando "Nani" Perez na pabalikin sa kanila (US) si Rodriguez.
Ikinokonsidera umano si Rodriguez bilang kauna-unahang Filipino na "fugitive" sa batas na hiniling ng US sa ilalim ng 1994 US-Philippine Extradition Treaty.
Nagsampa ng kasong kriminal ang US Authority ng Los Angeles, USA kay Rodriguez noong 1995 matapos na palsipikahin nito ang kamatayan ng kanyang asawa para makolekta ang $150,000.
Kapag naipalabas na umano ng DOJ ang kautusan ay inaasahang aarestuhin si Rodriguez at isusuko sa US Embassy na siyang mamamahala sa pagbabalik kay Rodriguez sa Amerika.
Sinabi pa ng source na malamang na maunang ipalabas ng DOJ ang kautusan laban kay Rodriguez kaysa sa extradition ni Mark Jimenez na may kaso din sa nasabing bansa.
Si Jimenez ay nahaharap naman sa kasong illegal campaign contribution, tax evasion, mail fraud at iba pa. (Ulat ni Marilou Rongalerios)