Lolo nag-amok: 4 katao sugatan

MARAGONDON, Cavite – Apat katao ang kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa J.P. Hospital makaraang masabugan ang mga ito ng isang granada na inihagis ng isang 65-anyos na magsasaka na naghuramentado matapos na hindi ito makadaan sa isang maliit na gate pauwi, kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Ang mga biktima na kasalukuyang inoobserbahan ng mga doktor ay kinilala ni Pol. Supt. Guillermo Liquigan, hepe ng pulisya sa bayang ito na sina Pablo Hernandez, 48, may-asawa; Renilo Icasiano, 18, binata; Rodian Hernandez, 20, binata at Nepomuceno Maranan, 21, binata, isang factory worker at residente ng nasabing lugar.

Samantalang ang suspek na mabilis na tumakas matapos maghagis ng granada ay nakilalang si Wilfredo Bautista, 65, may asawa at isang magsasaka ng nasabing lugar.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Julio Riman, may hawak ng kaso, dakong alas-3:00 ng hapon ng maganap ang insidente habang ang mga biktima ay kasalukuyang nasa loob ng bakuran ni Hernandez at nagkukuwentuhan nang dumaan ang suspek.

Hindi makadaan ang suspek dahil nakaharang ang mga biktima kaya sinabihan nito ang mga biktima na buksan ang gate at dadaan siya.

Agad namang tumalima ang mga biktima at habang abala ang mga ito sa pagbubukas ng nasabing gate ay dito na inihagis ng suspek ang dalang granada at sumabog. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments